MANILA, Philippines – Dalawa ang kumpirmadong nasawi habang 14 pa ang nasugatan makaraang araruhin ng isang delivery truck ang anim na sasakyan sa Marikina City, kahapon ng umaga.
Isa sa nasawi ay nakilalang si Edison Jan Reyes, engineering student ng Technological Institute of the Philippines (TIP), na tumilapon palabas ng jeepney dahil sa lakas ng impact ng banggaan at ang isa naman ay si Domingo Salvador Jr.
Ang 14 na nasugatan ay ginagamot ngayon sa Amang Rodriguez, Memorial Medical Center sanhi ng mga sugat na tinamo sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Isa sa mga nasugatan ay si Fernando Jenero, 43, ng Pasig City, driver ng delivery truck ( RHW-112) na naipit ang dalawang paa. Umabot sa dalawang oras bago ito naalis sa pagkakaipit matapos na araruhin ang tatlong pampasaherong jeepney, dalawang L-300 van at isang motorsiklo, bago tuluyang bumangga sa isang poste ng kuryente.
Kabilang din sa mga nasugatan ay si Argie Reola, assistant director ng noontime program na ‘Sunday Pinasaya’ ng GMA-7 at tatlo nitong staff na sakay ng van na nadamay sa aksidente.
Sa ulat ng Marikina Traffic Division, dakong alas-11:10 ng umaga ng maganap ang aksidente sa A. Bonifacio Avenue sa Brgy. Barangka, Marikina City.
Nabatid na galing ang truck sa Aurora Boulevard at Katipunan Avenue sa Quezon City, patungo sa Marikina City, nang maganap ang aksidente.
Sinasabing habang pababa ng flyover ang truck nang mawalan ito ng preno kaya sinuyod nito ang anim pang sasakyan sa kanyang unahan.
Sa lakas ng impact ng pagkakabangga, tumilapon ang estudyante palabas ng jeepney na nagresulta sa pagkamatay nito, gayundin ang isa pang hindi nakikilalang biktima.