Masahista niratrat sa loob ng bahay

STAR/File photo

MANILA, Philippines – Patay ang isang 54-anyos na massage therapist nang pasukin ng gunman sa loob ng bahay at paputukan ng bala ang iba’t ibang bahagi ng katawan, sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Mahigit dalawang oras pa ang lumipas bago idineklarang patay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Jorito Verzosa ng no.  098 B-1 Aplaya, Baseco Compound, Port Area. Hindi naman nakilala ang suspek na   armado ng baril .

Sa ulat ni P03 Noel Santiago ng Manila Police District-Homicide Section,  dakong alas 6:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng biktima.

Sa salaysay ng live-in partner ng biktima na si Rizel Deloso, 32,nagpapakain siya ng kanilang aso  habang ang biktima ay  abala sa pagtali ng mga panggatong na kahoy nang biglang  sumulpot ang  suspek at pinaulanan ng  bala.

Isininugod niya sa pagamutan ang kalive-in subalit namatay din habang nilalapa-tan ng lunas bandang alas-8:30 ng gabi.

Wala namang makapagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad kung sino at ano ang motibo sa pamamaslang.

Show comments