MANILA, Philippines – Maituturing umano na isang harassment ang ginawang pagsasampa ng kaso ng may-ari ng PMA Towing Ser-vice laban sa hepe ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na si Carter Don Logica sa Office of the Ombudsman.
Si Logica ay kinasuhan ng Abuse of Authority, Conduct Prejudicial to the Best Inte-rest of the Service, Misconduct at Ant-graft and Corrupt Practices Act.
Ang kaso ay isinampa ng isang Alice Nogra na umano’y may-ari ng PMA Towing Ser-vices. Sinasabing kamag-anak umano ito ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Ayon sa isang opisyal ng Manila City hall, harassment umano ang kasong isinampa laban kay Logica dahil na rin sa pagpapatigil nito ng operasyon ng towing ser-vice bunsod na rin ng sunud-sunod na reklamo.
Kamakailan ay inireklamo din ang PMA dahil sa patuloy na pag-to-tow ng mga ito ng mga sasakyan sa kabila ng kautusan ni Estrada sa pamamagitan ni Vice Mayor Isko Moreno na ipatigil ang towing operation ng PMA Towing at ng RWM Towing Service.
Lumilitaw na sa kabila ng suspensiyon ay patuloy ang operasyon ng PMA Towing kung saan kabilang sa kanilang nabiktima ay ang sasakyan ng konsehal na si Lei Lacuna.
Nabatid na ipinagmamalaki umano ng mga tauhan ng PMA Towing Service ang isa pang nagngangalang Pao Ejercito na may-ari din ng towing kaya’t tuloy pa din ang kanilang operasyon.
Giit ng opisyal, ginagawa lamang ng MTPB at ni Logica ang utos ni Estrada at Moreno dahil na rin sa patung-patong na reklamo.
Ang clamping na ngayon ang ipinatutupad sa Maynila.