MANILA, Philippines – Isang ginang ang iniulat na nasawi habang sugatan ang dalaga nitong anak, makaraang pagbabarilin ng riding in tandem na suspect sa isang lugar sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang nasawi ay kinilalang si Yeida Umpad, 46, may-asawa ng 1-A, Santillan St., Brgy. Damayan, SFDM, sa lungsod habang sugatan ang anak nitong si Rhidamie Umpad, 26, na nakaratay ngayon sa Capitol Medical Center.
Ayon sa ulat ni PO1 Raldwin Jones Sanchez, may-hawak ng kaso, dalawang kalalakihan ang sangkot sa nasabing pamamaril na sakay ng isang motorsiklo na walang plaka at mabilis na tumakas makaraan ang krimen.
Nangyari ang insidente sa may Tolentino St., Brgy. Damayan sa lungsod ganap na alas 10:30 ng umaga.
Sabi ni Rhidamie, bago ang insidente sakay sila ng kanyang nanay ng kulay pink na Toyota Altis (NQP-823) at tinatahak ang kahabaan ng nasabing kalye nang biglang lapitan sila ng isang motorsiklo na nasa kabilang direksyon ng nasabing kalye.
Mula dito, biglang naglabas ng baril ang backrider ng motorsiklo at pinaputukan sila nito. Sa kabila nito, nagawa pang mapaandar ni Rhidamie ang sasak-yan para makaiwas, pero tuloy tuloy sa pamamaril ang gunman hanggang sa sumalpok sila sa isang nakaparadang cargo van (NGI-449) sa Morato St., San Francisco del Monte sa lungsod.
Agad na humigi ng tulong si Rhidamie sa isang Fred Santos at itinakbo sila sa nasabing ospital.
Gayunman, lumalabas sa pagsisiyasat na habang dinadala ang mga biktima sa ospital ay sumunod umano ang mga suspect at muling pinaputukan ang mga una, bago tuluyang sumibat palayo sa lugar.
Sa ospital, idineklarang dead on arrival ang matandang Umpad, habang ang anak naman nito ay agad na nilapatan ng lunas sanhi ng mga tama ng bala sa kanilang mga katawan.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing incidente.