Caloocan-DPSTM bigo vs pedicab, illegal terminal

Tumanggi si Malapitan na itaas ang penalty na P500 bawat pedicab driver na mahuhuli habang inatasan si Castro na ituloy lang ang panghuhuli upang madala ang mga padyak boy. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Makaraan ang ipinagmala­king pagpapaigting na kam­panya laban sa mga iligal na ter­minal at pedicab, tila bigo ngayon ang Department of Public Safety and Traffic Ma­nagement (DPSTM) na ang kampanya na nagresulta ng matinding pagbibigat sa daloy ng trapiko sa maraming kal­sada sa lungsod.

Oktubre 2014 nang iutos ni Mayor Oscar Malapitan kay DPSTM chief, Larry Castro ang walang tigil na kampanya laban sa mga pedicab driver na nagresulta noon sa pagkakahuli sa higit 18 pedicab dri­vers na bara-barang bumibi­yahe sa Mabini St. MacArthur Highway, Samson Road, at C3 Road na mga national roads.

Tumanggi si Malapitan na itaas ang penalty na P500 bawat pedicab driver na mahuhuli habang inatasan si Castro na ituloy lang ang panghuhuli upang madala ang mga padyak boy.

Sa kabila ng kautusan, pa­­tuloy ngayon ang pamama­yagpag ng mga pedicab dri­vers sa Samson Road parti­­kular sa Sangandaan kung saan dito inilipat ang headquarters ng DPSTM sa dating University of Caloocan City.  Bukod pa dito ang kabi-kabilang iligal terminal ng jeep sa Mabini at Samson Road sa Sangandaan, sa 10th Ave­nue malapit sa Caloocan City Hall at sa EDSA-Monumento.

Una nang inilapit ng PSN kay Castro noong Hulyo 26 ang naturang problema at na­ngako ito na bibigyan ng so­lus­yon ang matinding trapiko habang nagkakaroon pa umano sila ng “adjustment” sa mga tao dahil sa paglipat nila ng tanggapan sa Sangandaan.

Makalipas ang halos isang buwan, patuloy pa rin ang ma­tinding trapik sa Sangandaan area dulot ng hindi makontrol na pedicab drivers at illegal terminal. Muling tinangkang kunan ng PSN ng pahayag si Castro ngunit hindi ito sumasagot sa mensahe sa telepono habang isinusulat ito.

Show comments