Resto oobligahin nutritional contents ng menu ilagay -- Manila Dad

Ayon kay Manila 3rd District Councilor John Marvin­ “Yul Servo” Nieto, maha­la­gang malalaman at ma­­kita ng mga consumers ang  nilala­laman ng kanilang kinakain bilang pagbibigay proteksiyon sa kanilang kalusugan. AP

MANILA, Philippines – Obligado na ang mga res­taurants maging ang mga fastfood chain sa lungsod­ ng Maynila na ilagay ang  nutritional contents ng mga pagkaing kanilang  ibebenta  sa menu.

Ito’y sa sandaling ma­ipasa ang isang ordinansa na naglalayong maproteksiyunan ang kalusugan ng publiko mula sa mga pagkain sa mga restaurant at  iba pang establisimyento.

Ayon kay Manila 3rd District Councilor John Marvin­ “Yul Servo” Nieto, maha­la­gang malalaman at ma­­kita ng mga consumers ang  nilala­laman ng kanilang kinakain bilang pagbibigay proteksiyon sa kanilang kalusugan.

Paliwanag ni Nieto, batay sa ordinansa kailangan nakasaad ang total number ng calories mula sa total fat; saturated fat; cholesterol; sodium, total carbohydrates; complex carbohydrates; dietary fibers, sugar at protein.

Giit ng konsehal, kaila­ngan na munang magpakita ang sinumang may-ari o ope­rator ng establisimyento ng mga kaukulang dokumento bago ito mabigyan ng business permit.

Kabilang na dito ang affidavit of compliance mula sa manager, operator at may-ari ng restaurant; video o larawan na nagpapakita ng kanilang pagsunod sa ordinansa at ang sertipikasyon mula sa Manila Health Department.

Sakaling mahuling luma­bag sa ordinansa, pagmumultahin ang mga ito ng mula P3,000 hanggang P5,000.

Show comments