MANILA, Philippines - Dalawang pulis na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) ang nagbarilan kung saan isa ang nasa malubhang kalagayan matapos mabaril sa ulo sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Senior Supt. Romulo Sapitula, Chief District Directorial Staff ng MPD, isang tama ng bala sa kanang bahagi ng ulo na tumagos sa kaliwa ang tinamo ni PO2 Lawrence Sagum, residente ng Coral St., Tondo, at nakatalaga sa MPD-Station 7.
Pinaghahanap na ang tumakas na suspek na si PO1 Isagani Jimenez Jr., kapitbahay ng biktima at kaibigan pa ni Sagum na nakatalaga sa MPD-Station 11.
Sa ulat ni SP02 Christopher Logoy na isinumite kay P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng MPD Station 7, dakong alas-9:00 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Dagupan St., malapit sa panulukan ng Tayuman St., sa Tondo.
Ayon sa isang testigo, kapwa umano nakasakay sa kani-kanilang motorsiklo ang dalawang pulis kung saan nakita niyang nagbarilan na lang basta ang mga ito.
Una umanong nabaril sa braso ang isa na kinilalang si PO1 Jimenez.
Nang ma-out of balance sa motorsiklo si PO2 Sagum ay tumimbuwang kaya ang hawak nitong baril ay tumilapon kung saan nagkaroon naman ng pagkakataon si PO1 Jimenez na lapitan siya at barilin sa ulo bago humarurot papalayo.
Patuloy pang iniimbestigahan ang naturang insidente para matukoy ang motibo sa pagbabarilan ng mga ito.
Sa nakalap na impormasyon, ang dalawang sangkot na pulis ay magkamag-anak at sa iisang lugar lang nakatira. Sila din ay kapwa anak ng dating mga pulis-Maynila.
Lupa ang sinasabing ugat ng matandang alitan ng dalawang pulis na nagsimula pa sa kanilang mga magulang.
Si Sagum ay anak umano ni PO3 Luis Sagum na napatay sa harap ng Emerald Building sa Rizal Avenue, malapit sa LRT Carriedo Station, Sta. Cruz, Maynila dakong alas-9:45 ng gabi noong Pebrero 8, 2011.
Siya ay dead on the spot matapos tagain sa ulo ng pambukas ng buko at putol pa ang 3 daliri.