MANILA, Philippines - Mahigit sa isang libong katao ang nakiisa sa voluntary blood donation – blood letting project ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte noong buwan ng Hulyo sa kalahati ng buwan ng Agosto ngayong taon.
Ang naturang proyekto na nasa ilalim ng ‘Joy of Public Service’ ay sinimulang gawin noong nakaraang buwan at magpapatuloy hanggang sa mga susunod na buwan upang mapaglaanan ng kailangang dugo ang mga taga-lungsod na may mga karamdaman na nangangailangan nito.
Nagmula sa ibat-ibang distrito sa QC ang nakiisa sa pakikipag-tulungan ng Philippine Blood Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center at mga barangay officials sa lungsod.
Sa ilalim ng proyekto, ang 70 percent ng nakolektang dugo ay laan sa naturang mga pagamutan at ang 30 percent ay laan sa tanggapan ni Belmonte para maipagkaloob naman sa mga taga-QC na direktang nagre-request ng suplay ng dugo sa tanggapan nito.
Una nang inikutan ng mga tauhan ni Belmonte ang mga barangay sa buong QC para boluntaryong makapag-ambag ng kanilang dugo para sa mga kapuspalad na nangangailangan.
Umaasa pa si Belmonte na marami ang tutugon at makikiisa sa kanilang proyekto na makakatulong lalu na sa mga biglaang pangangailangan.