‘Embo barangays’ hindi isusuko ng Makati City

Mayor Romulo “Kid” Peña. STAR/File photo

MANILA, Philippines - Hindi isusuko ng pamaha­laang lungsod ng Makati ang mga barangay na siyang­ sentro ng matagal nang pinag­tata­­lunan at pinag-aagawan sa pagitan ng  Makati at Taguig­.

Ito ang paninindigan ng Makati City government, kasabay ng paglilinaw ni Acting Mayor Romulo “Kid” Peña na walang katotohanan ang ku­malat na balitang binitawan na ng Makati ang tinaguriang ‘embo barangays’ na kinabibilangan ng Brgys. Cembo, South Cembo, East Rembo, West Rembo, Comembo, Pembo at Pitogo.

Bagkus, ipinangako ni Peña sa mga residente, gagamitin­ nila ang lahat ng legal na pa­raan upang hindi maihiwalay  at ganap na mapasakamay ng lungsod ang naturang mga barangay.

Paglilinaw pa ni Peña na naging tahimik siya sa isyu bilang pagtalima na rin sa ipinalabas na gag order ng Court of Appeals (CA) noong September 2013  na kung saan pinagbabawalan ang mga opisyal ng Makati at Taguig na magpalabas ng anumang pahayag na may kinalaman sa naturang usapin.

Dahil dito, apela pa rin ni Peña sa mga residente  na huwag mabahala at huwag magpaapekto sa naturang kumalat na balita na maaring taktika na lamang ng ilang detractors na layong manggulo lamang.

Matatandaan, na noong Hul­yo 30, 2013, naglabas ng desisyon ang  CA  na nagpapatibay sa hurisdiksyon ng Makati sa mahigit 729-hectare portion ng Fort Bonifacio. 

Saklaw rin dito ang dalawa pang kilalang Makati barangays, ang Post Proper Northside at Post Proper Southside.

Inutos ng CA, na ang pinagtatalunang lugar ay ibalik na hurisdiksyon sa Makati, ito’y matapos na mabigo ang Taguig na makapagpresinta ng sapat na ebidensiya para suportahan ang kanilang pag-angkin sa lugar.

Taong 1993, naghain ng kaso ang Taguig City  sa Pasig Regional Trial Court para sa pag-angkin nito  sa lugar.

Nag-isyu ang korte ng injunction noong Hulyo July 1994 na kung saan pinagbawalan naman ang Makati na angkinin ang hurisdiksyon ng pinagta­talunan lugar.

Gayunman, noong 2013, sa ruling ng CA, inalis nito ang naturang injunction, ngunit naghain ng apela ang Taguig at ito ang kasalukuyang hindi pa nadedesisyunan ng CA at pa­tuloy pang hinihintay.

 

Show comments