MANILA, Philippines – Isang 22 anyos na lalaki ang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili matapos na hindi umano nito makayanan ang problema sa set up ng kanilang pagsasama mag-asawa sa lungsod Quezon.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili desk officer ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang bangkay ni Val Uykieng, ng no. 153 Sitio Pajo, Bgy. Baesa, Quezon City ay nadiskubre ng kanyang 11 anyos na kapatid na nakabitin sa kisame ang leeg nito gamit ang nylon cord sa kanilang bahay, alas 5:30 ng hapon. Agad na tinawag ng bata ang kinakasama ng biktima na si Ana May Bautista at ipinabatid ang pangyayari.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bago ang insidente, madalas umanong mag-away ang biktima at kinakasama nito dahil sa kanilang masalimuot na pagsasama. Nakatira ang biktima sa kanyang ina habang si Bautista naman ay nakatira sa kanyang magulang.
Hindi umano matanggap ng biktima ang kanilang set-up kung kaya napapadalas ang kanilang pagtatalo.
Nabatid na nagtangka na rin umanong magpatiwakal ang biktima pero napigilan lamang.