MANILA, Philippines – Makaraan ang 10 buwan, naaresto ng mga tauhan ng Manila City Hall- Manila Action and Special Assignment (MASA) sa bisa ng warrant of arrest ang isa sa mga suspek na sumumpak at bumulag sa isang magkasintahan noong Oktubre sa Sta. Cruz, Maynila.
Iniharap nina MASA chief, Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr. at Capt. Jimmy de Pedro kay Manila Mayor Joseph Estrada ang suspek na si Rayven Apolinario Luzsuriaga, alyas Gadong, ng 1866 Oroquieta St. Sta. Cruz, Maynila na itinuturong isa sa mga sumumpak ay Christian Tejada, 21 at girlfriend na si Nicole Dizon, 19 .
Nabatid na hindi na nakapag-aral si Tejada matapos na mangyari ang insidente.
Sasagutin naman ni Estrada ang pagpapa-opera at pagpapagamot sa mga mata ni Tejada na parehong nabulag matapos na sumpakin ni Luzsuriaga. Kaliwang mata naman ang nabulag kay Dizon.
Ayon naman kay Mayeth, ina ng biktima, nananatiling nasa loob ng mga mata ng kanyang anak ang mga bala kaya’t nahihihrapan naman silang ipaopera ito sa pangamba na mas lalo pang maging komplikado.
Sa pahayag naman ni Irinco, matagal na nilang sinusurveillance ang suspek nang ireklamo ito ni Mayeth na palakad-lakad sa harap ng kanilang bahay. Agad namang naglabas ng warrant of arrest si Manila RTC Judge Emily San Gaspar- Gito.
Tiyempong nahuli sa aktong lumabag sa batas trapiko si Luzsuriaga kaya’t kinompronta ng kanyang mga tauhan at dinala sa tanggapan ng MASA.
Lumilitaw na pinagtripan ng grupo ni Luzsuriaga si Tejada habang sakay ito ng tricycle.
Sangkot din si Luzsuriaga sa robbery holdap at carnapping.