MANILA, Philippines - Nagpatupad na ng balasahan ang bagong talagang Philippine National Police (PNP) chief Director General Ricardo Marquez sa mga top key position bilang bahagi ng reorganisasyon sa pambansang pulisya.
Sa unang yugto ng rigodon sa ilalim ng bagong liderato ni Marquez kabilang sa mga binalasa ay ang pitong senior officials sa PNP Command Group, Directorial Staff, Police Regional Office, at National Operational Support Unit.
Isinagawa ni Marquez ang unang sigwada ng balasahan makaraang aprubahan ng National Police Commission (Napolcom) ang rekomendasyon na isinumite ng PNP Senior Officers Placement and Promotion Board (SOPPB).
Kabilang sa mga key positions na naapektuhan ng balasahan ay ang The Deputy Chief PNP for Administration na pamumunuan ngayon ni Police Deputy Director General Marcelo P. Garbo Jr.
Samantala, mga ranking PNP senior officials na itinalaga sa bagong posisyon ay sina Police Deputy Director General Danilo Constantino, Deputy Chief PNP for Operations (TDCO); Police Director Francisco Uyami Jr., bilang Acting Chief ng Directorial Staff; P/Director Benjamin Magalong, Officer-In-Charge, Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM).
Kabilang pa sa mga itinalaga sa bagong posisyon ay sina P/Director Francisco Don Montenegro, Office of the Chief PNP; P/Chief Supt. Victor Deona, Officer-In-Charge, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG); at Chief Superintendent Rudy Lacadin, Officer-In-Charge, Police Regional Office (PRO) 3.