MANILA, Philippines - Nananawagan ang mga guro mula sa grupong Teacher Dignity Coalition (TDC) kay Quezon City Mayor Herbert Bautista na aksiyunan ang palagian nilang sakripisyo sa binabahang lugar papunta sa Lucas Pascual Elementary school sa Brgy. Baesa na araw-araw na lang baha kahit hindi umuulan.
Ayon kay teacher Benjo Basas, chairperson ng TDC, matinding kalbaryo na ang dinadanas hindi lamang mga guro ng paaralan kundi lalu na ng mga kabataang mag -aaral dito at mga magulang sa araw- araw na pagsuong sa baha.
Ang tubig-baha anya ay may mga domestic waste na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga taong tatawid dito.
Sinasabing ang pamunuan ng barangay ay naipaalam na sa lokal na pamahalaan ng lungsod ang problema pero wala pa ring nangyayari.
Maging ang mga residente din sa Ilang-Ilang St. sa Brgy. Mariana ay dumadaing na rin sa pamahalaang lungsod Quezon dahil sa binabaha nilang lugar.
Bagamat matagal na umanong alam ng mga kinauukulan na binabaha dahil sa mababa ang lugar, sa matagal na panahon ay wala namang pag-aksyon na ginagawa rito.
Isa pa umano sa nakikitang problema dito ay ang pagkasakal ng creek na nag-uugnay sa creek sa Kamuning kung kaya hindi agad nakakadaloy ang tubig kundi sa kalsada at sa mga residente rin ang punta.
May mga planong proyekto rito, subalit hindi naman masimulan sa hindi malamang dahilan. Maraming ginagawang kalsada malapit sa lugar subalit tila umano napag-iiwanan ang Ilang-Ilang St. na lubha pa ngang mas mababa kaysa sa ibang pinagkakaabalahan.