MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-araw ang operasyon ng buong fleet o tigil pasada ang lahat ng sasakyan ng Valisno Express bus makaraan ang pagkamatay ng 4 na pasahero nito at pagkasugat ng 18 iba pa sa boundary ng Caloocan at Lagro sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty Ariel Inton, board member ng LTFRB, buong fleet ang sinuspinde ng ahensiya dahil sa tindi ng pinsala ng aksidente. Ang desisyon anya ay batay sa napagkasunduang ilapat na inisyal na parusa sa Valisno makaraang isagawa ang emergency meeting ng board ng ahensiya tungkol sa aksidente.
“Because of the gravity and frequency of the bus accident, ginawa naming buong fleet ang suspension diyan” pahayag ni Inton.
Niliwanag din ni Inton na hindi naman maaapektuhan ng suspension ang hindi pagbiyahe ng mahigit 60 units ng Valisno express bus company dahil may iba pang bus company ang may ruta din ng kaparehong ruta ng Valisno na San Jose del Monte puntang NAIA and vice versa.
Anya, inatasan na rin ang may-ari ng bus company na magpaliwanag kung bakit hindi maaaring maparusahan at masuspinde ang prangkisa kaugnay ng naganap na aksidente.
Inutos na din ng LTFRB na isailalim sa road worthiness test sa LTO ang lahat ng pampasaherong bus ng kumpanya at isailalim sa drug test ang mga driver nito.