MANILA, Philippines - Nanawagan ang mga commuters sa tanggapan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na sumasakay sa Farmers Cubao sa lunsod Quezon na hambalusin ang mga nakatalagang traffic enforcers dito bunga ng pagpayag ng maging simpleng terminal ang loading area dito kapalit ang maliit na halaga mula sa mga konduktor ng pampasaherong bus.
Hiling ito ng mga galit na commuters bunga ng karamihan sa mga sumakay sa naturang loading area ay nala-late sa kanilang mga trabaho dahil sa halos 15 minutong itinatagal ng mga pampasaherong bus sa loading area para magtawag ng mga pasahero.
Ayon sa mga commuters, ginagamit ng mga nakatalagang MMDA traffic enforcers sa naturang lugar ang mga barker para maningil sa mga konduktor ng halagang P20 pesos kada mapupuno ng pasaherong bus, na nagiging sanhi upang humaba ang pila dito.Kung tutuusin, ayon pa sa mga commuters, kahit walang barker ay sasakay sila sa bus dahil dito itinalaga ang bawat rutang dapat pagdaanan ng mga kumukuha ng pasahero.
Pero dahil may pakinabang na natatamo ang mga MMDA enforcers nabubulag-bulagan lamang ang gmga ito at hinahayaang tumagal ang bawat bus ng halos 20 minuto kapalit ang halagang P20 na tip mula sa mga konduktor.
Sa pagsisiyasat ng PSN, may limang traffic enforcers ng MMDA ang nakatalaga sa nasabing lugar kung saan may lima hanggang apat na barker ang nagpapalitan para magtawag ng pasahero sa mga loading area nito. Partikular na ginagawang gatasan ng mga MMDA enforcers ang mga bus sa loading area na may biyaheng SM Fairview Sapang Palay.