MANILA, Philippines – Mas lalawak na ang magiging saklaw ng susunod na Metrowide shake drill, dahil sa susunod na pagsasanay ay isasama na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Central Luzon at CALABARZON.
Ito’y matapos na maging matagumpay ang naturang pagsasanay na isinagawa noong isang linggo, na halos nasa 7 milyon ang lumahok dito.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, na ang mga lugar na dapat maghanda sa pangalawang shake drill ay ang malapit sa 90-kilometrong fault system tulad ng Bulacan; Sta. Rosa, Calamba at Biñan sa Laguna; at Carmona, Cavite.
Bukod dito, isasama rin umano sa mga susunod na drill ang pag-antabay sa magiging epekto ng lindol sa La Mesa Dam at posibleng tsunami sa Manila Bay.
Kasabay nito, sinabi ni Tolentino na dalawa hanggang tatlong drill na lamang ang kailangan para mahasa ang publiko sa paghahanda sakaling tumama ang malakas na lindol.
Una nang nilinaw ni Tolentino, na walang inilaang budget ang pamahalaan para sa isinagawang shake drill noong nakaraang linggo dahil kanya-kanyang gastos ang mga lumahok sa pagsasanay.