MANILA, Philippines – May 100 ina ang tutungo sa city-owned Quezon City General Hospital (QCGH) sa August 5, araw ng Miyerkules para mag-donate ng kanilang gatas para sa pangangalaga sa kalusugan ng mga sanggol.
Ang milk gifting activity na tinawag na “Alay na gatas ko, sagip sa buhay mo,” ay proyekto ng QCGH management sa pangunguna ni director Josephine Sabando bilang selebrasyon ng lunsod sa pagdiriwang ng Breastfeeding Awareness Month.
Pangungunahan nina QC Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte ang mga opisyal ng QC sa pagbubukas ng okasyon sa 5th floor SB Hall ng ospital sa Miyerkules ng umaga.
Bukod sa milk donating activity, ipagkakaloob naman ang mga breast pumps sa pitong QC Health Department Lying-In Clinics upang maengganyo ang mga breastfeeding mothers na mag-donate ng kanilang gatas para maipagkaloob naman sa mga sanggol na kailangan ito laluna yaong mga nasa kritikal na kundisyon.
Ilan sa mga lying-in clinics na nagsisilbing milk depots ay ang San Francisco Lying-In, Batasan Hills Lying-In, Betty Go Belmonte Lying-In, Murphy Lying-In, Kamuning Lying-In, Arsenio Maximo Lying-In at Sta. Lucia Lying-In.
Isasailalim naman sa pasteurization procedure ang mga na-donate na gatas bago ito ipagkaloob sa mga sanggol.
Magkakaroon din ng Hepa B screening sa mga pasyente kasama na rin ang mga ina na nais mag-donate ng kanilang gatas.
Bibigyan naman ng incentives ng QCGH ang mga nanay na magdo-donate ng kanilang gatas tulad ng pagkakaloob ng free hospital service depende sa dami ng naibigay na gatas. Ang 500 ml breast milk na nai-donate ay may libreng konsultasyon sa QCGH.