MANILA, Philippines - Patuloy ang operasyon ng Northern Police District (NPD) laban sa mga wanted sa batas makaraang tatlong pinaghahanap na may warrant of arrest ang nadakip sa sunud-sunod na operasyon.
Sa ulat ng Navotas City Police, dakong alas-7 kahapon ng umaga nang madakip ang no. 7 most wanted ng lungsod na si Jomar Damasco, 23, na nahaharap sa kasong frustrated murder.
Nasakote si Damasco sa ikinasang operasyon sa Tambak Uno Brgy. Tanza, ng naturang lungsod. Hindi na ito nakapanlaban nang ihain sa kanya ang warrant of arrest buhat sa Malabon Regional Trial Court Branch 170.
Sa ulat naman ni Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Bartolome Bustamante, kinilala nito ang mga nadakip ng Warrant and Subpoena Section na sina Army Ciano, nahaharap sa kasong adultery, at si Jefferson Alejandro, na nahaharap naman sa kasong frustrated murder.
Naaresto si Ciano dakong alas-4:30 ng hapon sa tinutuluyang bahay sa may Baesa, Caloocan. Hindi na ito nakapalag nang ihain sa kanya ang warrant arrest na inilabas ng Branch 3 ng Municipal Trial Court ng Baguio City.
Dakong alas-4 ng hapon ng madakip si Alejandro sa loob ng bahay nito sa may Block 7 Tamban Street, Brgy. 20, Caloocan. Inihain dito ang warrant buhat sa Caloocan Regional Trial Court Branch 123.