MANILA, Philippines – Mahigpit na ring ipinagbabawal ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang pagtitinda ng mga ambulant vendors o naglalako ng pagkain sa bisinidad ng mga paaralan makaraan ang sunud-sunod na insidente ng food poisoning.
Ito ang ipinag-utos ni City Health Department (CHD) head, Dr. Maybelle Sison makaraang atasan siya ni Mayor Oscar Malapitan na tiyakin ang kalusugan ng mga mag-aaral sa elementarya at high school sa lungsod dahil sa nakakaalarmang pagkalason ng maraming mga bata dahil sa mga inilalakong pagkain.
Inatasan ni Sison ang kanyang sanitation inspectors na busisiing mabuti ang lahat ng mga school canteens at pinayuhan ang mga guwardiya ng mga paaralan na huwag payagan ang pagbebenta ng mga vendors sa bisinidad ng paaralan.
Umaasa naman si Malapitan na makikiisa umano ang lahat ng mga school principals at Parent-Teachers Association (PTA) sa panawagan para sa kalusugan ng mga bata hindi lang laban sa food poisoning ngunit maging sa nakakamatay na sakit na dengue.
Sa tala ng CHD, nasa 413 kaso ng dengue na ang naitala sa lungsod sa unang anim na buwan ng taon na higit na mataas ng 115% kumpara sa naitala noong taong 2014 sa kaparehong mga buwan.