357 prangkisa ipinamahagi kolorum na tricycle mawawala sa Maynila-Isko

Personal na hinuli ni MTPB Director Carter Don Logica (itaas) ang mga tricycle at pedicab na nagpapasikip ng daloy ng trapiko sa panulukan ng Vito  Cruz at Taft Ave. habang nagpula­san naman ang mga pedicab sa  panulukan ng Taft at P. Ocampo St.

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na mawawala na ang kolorum na mga tricycle sa lungsod ngayong naipamahagi na ang 357 prangkisa ng mga tri-wheel.

Ayon kay Moreno, sa prangkisa na ibinigay ng  Manila Tricycle Regulatory Office ay unti-unti na ring magluluwag ang daloy ng  trapiko lalo pa’t ang mga tri-wheel ang siyang  isa sa mga nirereklamo ng mga private  utility vehicles.

Hindi umano makilala ang mga lehitimo at kolorum kung kaya’t walang mapa­nagot sa anumang aksidente.

Nabatid kay Moreno na mayroong mga ruta ang tricycle na naaayon sa kanilang kinaaanibang TODA. May color coding din ang mga tri-wheel sa lungsod.

Hindi umano maaaring pumasok ang mga ito sa anumang TODA dahil iniiwasan ang pagtawid sa mga pangunahing kalsada sa Maynila.

Sinabi naman ni Manila Traffic and Parking Bureau Director Carter Don Logica na handa rin silang imonitor ang mga tri-wheel na lalabag sa  ordinansa. Aniya, P500 hanggang P1,000 ang unang multa hanggang sa tanggalan na sila ng  prangkisa.

Ang Manila T-Wheel Ordinance ay inakda nina Councilors Robert Ortega at Mon Yupangco.

Show comments