MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 13,000 sako ng Thai sugar na nagkakahalaga ng P34 milyon ang nasabat ng Bureau of Customs (BoC) sa Manila International Container Port.
Ang naturang smuggled na asukal ay nakalagay sa 24 na container vans.
Inilagay sa alert status ang naturang kargamento makaraang mabatid na masyadong mabigat ang mga ito, gayong ang nakadeklarang laman ng container vans ay plastic na gamit sa kusina, laruan, damit at iba pa.
Naka-consign sa Blue Chelsea ang 21 container vans ng asukal na galing China habang sa Real Top Enterprises naman ang tatlong container vans na mula naman sa Singapore.
Ipinasilip sa media ni BOC Deputy Commissioner Jessie Dellosa ang ilan sa mga kontrabando at naging kapansin-pansing nakapailalim ang saku-sakong asukal sa plasticware tulad ng baso at thermos.
Magugunita ring minsan nang nahuli ng BoC ang Real Top Enterprises dahil din sa pagpupuslit ng asukal.
Kakasuhan ng paglabag sa Tariff and Customs Code ang mga consignee.