MANILA, Philippines - ‘Bad morning’ ang sumalubong sa libu-libong pasahero ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga makaraang pababain ng tren dahil sa dalawang beses na aberya sa biyahe.
Nabatid na pinababa ang mga pasahero ng isang tren sa bahagi ng Santolan Station southbound, dakong alas-5:30 ng umaga matapos bumaba ang boltahe ng kuryente.
Ayon sa MRT-3, kinakailangang pababain ang mga pasahero at itigil ang operasyon dahil magiging delikado ang pagpapatakbo ng tren at makakaapekto sa preno nito.
Ayon kay MRT-3 General Manager Ramon Buenafe, depektibong pintuan naman ang dahilan nang pansamantalang pagtigil ng southbound trip ng MRT-3 sa GMA-Kamuning Station, pagitan ng Cubao station, dakong alas-7:00 ng umaga.
Nabatid na ito na ang ikatlong sunod na araw ngayong Linggo na naperwisyo ng aberya ang mga pasahero ng MRT-3.
Matatandaan nitong Miyerkules lamang ay tumirik ang isang northbound na tren ng MRT sa Shaw Boulevard station, tumirik din ang isang tren sa pagitan naman ng Guadalupe at Boni Station nitong Martes.