MANILA, Philippines - Umaabot sa 73 kilo ng mga expired food products ang nakumpiska ng Quezon City health department habang ibinebenta sa isang talipapa sa Balintawak market.
Ilan sa mga kumpiskadong food items ay tomato sauce, spaghetti sauce, seasoning mix, powdered juice, cocoa power, cheese spread, uncooked macaroni noodles, sotanghon at ‘pancit’ noodles na walang labels at walang expiry date.
Ayon kay city veterinarian Dr. Ma. Ana Cabel, ang nakumpiskang mga noodles ay nagpapakita rin ng senyales ng discoloration at pigmentation na nakasilid sa mga sako habang naibebenta sa mga consumers samantalang ang cocoa powder at powdered juice ay naibebenta nang walang label ang plastic packs.
Bunga nito, pinayuhan ni Cabel ang nakabili na ng ganitong mga uri ng produkto na huwag nang lutuin at kainin upang makaiwas sa food poisoning at gastro-intestinal infections kasama na ang pagtatae. May mga bote rin anya ng acetone ang kanilang nakumpiska bukod sa mga pagkain.
“July 2014 pa po ang expiry date ng karamihan sa mga produktong nakumpiska namin,” pahayag ni Cabel. (Angie dela Cruz)