Bebot utas sa ka-live-in

MANILA, Philippines – Utas ang isang 23-anyos na babae na hinihinalang binaril ng kanyang live-in partner sa gitna ng kanilang pagtatalo sa loob ng kanilang inuupahang kuwarto sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Rochel Gales, na nagtamo ng tama ng kalibre .45 baril sa katawan, habang nadakip naman sa ikinasang operasyon ang suspek na si Christopher Gajellona­, kapwa naninirahan sa Quisumbing St., Brgy.178 Kiko, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-3 ng hapon sa loob ng inuupahang kuwarto ng mag-live-in. Ayon sa saksing si Nenita Emberga, kapitkuwarto ng mga suspek at biktima, una niyang narinig na nagtatalo at nagsisigawan ang dalawa hanggang sa makarinig ng isang putok ng baril.

Nakita niyang humahangos na lumabas ng bahay ang suspek na si Gajellona habang sinaklolohan ng mga residente ang biktima na isinugod sa Tala Hospital ngunit hindi na naisalba ng mga manggagamot ang buhay.

Nadakip naman sa ikinasang follow-up operation ng Caloocan City Police si Gajellona sa bahay ng kanyang kamag-anak at nakuha sa kanya ang kalibre .45 baril. Sa loob ng presinto, sinabi ni Gajellona na sadya umanong nagpakamatay ang kanyang kinakasamang si Gales at tumakbo lamang siya palabas ng bahay upang humingi ng saklolo sa kanyang mga kaanak.

Sa kabila nito, isasailalim ang suspek sa paraffin test at ang baril na nakumpiska sa kanya sa ballistic test upang mabatid kung siya ang nagpaputok.  Isasailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng nasawi.

Show comments