MANILA, Philippines – Asahan na ang mas matinding trapik sa ilang pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila lalo na sa mga expressway bukas, araw ng Miyerkules dahil sa dadagsa ang mga biyaherong magtutungo sa mga probinsiya.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, dahil dito’y nakaantabay na umano ang kanilang mga traffic enforcers gayundin ang rescue team sa mga bus terminal, paliparan at seaports.
Sinabi ng MMDA, katuwang nila ang pamunuan ng NLEX at SLEX para sa pagmamantina ng maayos na daloy ng trapiko. Nauna nang pinayuhan ng MMDA ang mga motorista, partikular ang mga pauwi ng probinsiya, na kung maaari ay umalis ng mas maaga sa Metro Manila.
Bukod sa bugso ng mga pasaherong magsisiuwi, sasabay pa rito ang mga gagawing road re-blocking ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang bahagi ng EDSA at C-5 Road.
Samantala, sinorpresa rin kahapon ng MMDA ang mga driver ng bus sa Araneta terminal sa Cubao kung saan nagsagawa ng random testing o pagsailalim sa breath analyzer ang mga bus driver na bibiyaheng probinsiya.
Nagsagawa ng inspection ang MMDA sa pangunguna ni Tolentino sa 10 drivers at konduktor ang biglaang isinailalim sa breath analyzer test.
Layon nito ay upang masiguro na hindi nakainom o nakadroga ang mga driver at konduktor habang bibiyahe. Pawang negatibo naman ang resulta ng pagsusuri sa mga ito.
Pinayuhan din ni Tolentino, na kapag may problema sa kanilang biyahe ay agad itong ipaalam sa bus company.
Nabatid na ang random testing ay isasagawa sa lahat ng bus terminal sa Metro Manila.