MANILA, Philippines - Isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng Las Piñas City Police hinggil sa brutal na pagpatay sa isang coach ng Milo na natagpuan ang bangkay nito kamakailan sa naturang lungsod.
Ayon kay Senior Supt. Adolfo Samala, hepe ng Las Piñas City Police, kahapon lamang nila nakilala ang biktimang si Leo Tugade, 48, ng T.S. Subdivision, Barangay Almanza Uno, ng naturang lungsod na nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na patalim.
Samantala, habang sinusulat ang balitang ito ay nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin nila kung sino ang responsable sa brutal na pagpapapatay dito.
Marso 19, 2015 nang matagpuan ang bangkay ng hindi kilalang lalaki malapit sa Paramount Korean School sa Executive Village, Barangay Almanza Uno.
Nabatid sa ilang saksi na huling nakitang buhay ang biktima alas-12:00 ng madaling-araw sa nasabing petsa, kung saan may kasama itong tatlong kalalakihan at isang babae sa naturang lugar.
Pagkaraan ng ilang oras ay natagpuan ang bangkay ng lalaki ng ilang residente.
Nabatid pa kay Samala, nakilala lamang ang bangkay ng biktima ng kanyang inang si Simrosa M. Tugade, 64, matapos silang magpa-blotter sa Las Piñas City Police dahil ilang linggo na itong nawawala. Nang puntahan ng mga kaanak, dito nakumpirma na ang natagpuang bangkay ng lalaki ay si Leo Tugade.