MANILA, Philippines - Nasa 37 mga sasakyan ang nasampolan sa unang araw ng pagpapatupad ng wheel clamping sa Maynila kahapon.
Nabatid na umaga ng Biyernes nang magsimula sa United Nations Avenue at Taft Avenue ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) para i-clamp at hindi makaalis ang mga sasakyang lumabag umano sa batas trapiko partikular sa iligal na pagparada.
Sa bawat maila-lock o maisasailalim sa clamping, ang sasakyan ay hindi makatatakbo hangga’t hindi ito nagmumulta sa halagang P900 bilang multa.
Kahit umano may drayber ang sasakyan kung iligal ang pagparada, maaari ring kabitan ng clamp at kung wala ang may-ari ng sasakyan, makakabitan ito ng clamp subalit mag-iiwan ng abiso sa sasakyan kung paano sila matatanggalan ng clamp.
Aminado ang Manila City Government na wala silang sapat na clamp para gamitin sa mga sasakyan ng violators na nasa 100 piraso lamang.
Sa mga naabala na hindi makaalis dahil sa clamp, kailangan nilang maghintay dahil maaaring nasa ibang lugar umano ang mga tauhan ng MTPB at hindi nila maaaring sirain ang clamp dahil property ito ng lokal na pamahalaan na maaari silang makasuhan at pagbayarin sa damages.
Ang clamping ng mga gulong ay umiral na umano noon pang taong 2008 sa panahon ni dating Mayor Lito Atienza sa pamamagitan ng City Ordinance at ibinalik lamang ngayong Marso 27 dahil sa pagsuspinde sa mga towing services.
Mas mahirap umano ang clamping ng mga gulong subalit kailangang magpatupad nito dahil ang towing ay nasuspinde ang operasyon dahil sa sangkaterbang reklamo ng pang-aabuso ng mga personnel nito.