MANILA, Philippines – Limang sasakyan ang nabagsakan ng girder launcher ng crane sa ginagawang Skyway extension project, kahapon ng hapon sa Pasay City.
Wala namang iniulat na nasugatan sa naturang insidente, gayunman matinding trapik ang dinulot ng naturang insidente.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metro Base, naganap ang insidente alas-3:30 ng hapon sa isang construction site para sa extension ng Skyway sa Andrews Avenue, Tramo ng naturang lungsod.
Nabatid na bumagsak ang girder launcher ng crane na ginagamit sa ginagawang Skyway Extension dahilan upang mahagip nito ang limang sasakyan na ang isa rito ay kulay puting Suzuki mini van na may plakang YFF-753.
Dahil sa insidente kinakailangang ang mga sasakyang mula Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ay pinayuhang dumaan sa Circulo del Mundo patungong Sales St., dahil sa sobrang bigat ng trapik na nararanasan dito.