MANILA, Philippines - Inirereklamo ng isang dating empleyado ng isang konsehal ng Maynila ang panghohostage umano ng huli sa kanyang ATM dahilan upang hindi niya umano makuha ang kanyang sahod at iba pang benepisyo.
Nabatid na isang taon nang hindi nahahawakan ng dating empleyado ng konsehal ang kanyang ATM sa kabila ng kanyang pakiusap.
Sa kabila umano ng pahayag ni Manila Mayor Joseph na ibibigay ang 4th tranche, hindi rin umano natanggap ng dating empleyado ang benepisyo na naging dahilan naman ng kanyang pagbibitiw noong Enero 2015.
Naniniwala ang dating empleyado na ginagawa din ito ng konsehal sa kanyang mga dating kasamahan lalo pa’t kada dalawa hanggang tatlong buwan at nagpapalit ito ng mga tauhan.
Madalas din umanong nasisita sa personnel at pay master ang listahan ng mga empleyado mula sa opisina ng konsehal.
Lagi umanong kinakausap ng dating empleyado ang konsehal upang kunin ang kanyang ATM at mga benepisyo subalit panay naman ang tanggi nito. Wala naman umanong masabing dahilan ang konsehal.
Nakatakda namang magreklamo ang complainant sa Ethics Committee upang mabigyan ng parusa ang konsehal.