MANILA, Philippines – “Education is a right, not a privilege.” (Ang edukasyon ay karapatan, hindi lamang pribilehiyo).”
Ito ang pahayag ni Taguig City Mayor Lani Cayetano matapos umabot ng 19,705 ang bilang ng mga magtatapos ngayong taon sa lahat ng pampublikong elementarya at pampublikong high school sa lungsod ng Taguig.
Malugod na binabati ni Mayor Lani ang mga magtatapos kasabay nang pagsasabi na maging siya ay parang magulang na ipinagmamalaki ang mga natutunan ng magtatapos niyang mga anak mula elementarya hanggang high school.
“Ang edukasyon ay karapatan ng bawat estudyante at hindi pribilehiyo lamang para sa iilan na may kakayahang makapag-aral. Dito sa Lungsod ng Taguig, pinapahalagahan namin ang kinabukasan ng mga estudyante dahil sila ang mga susunod na mga doktor, inhinyero, negosyante, mga supervisor at managers gayundin ang susunod na mga mamamahala ng gobyerno,” sabi ni Mayor Lani
Ngayong taon, ang mga magtatapos sa lahat ng public elementary school sa Taguig ay umabot ng 11,654 na mas mataas sa bilang ng mga nagtapos noong nakaraang taon na 11,327.
Sa public high schools naman ng Taguig, ang bilang ng mga magtatapos ay umabot sa 8,051 ngayong taon na mas mataas sa bilang ng mga nagtapos noong nakaraang taon na 7,840.
Nagkakaloob din ang lungsod ng Taguig ng cash incentives para sa mga public elementary school graduate na mangunguna sa kanilang klase.