8 na tauhan ng Pasig City towing company, timbog sa QC

MANILA, Philippines - Walong tauhan ng isang towing company ng Pasig City ang inaresto ng mga elemento ng Quezon City hall detachment bunga ng ginawang paghatak sa isang motorsiklo sa lungsod gamit ang pangalan ni Mayor Herbert Bautista.

Kinilala ni QC Hall detachment chief  Supt. Richie  Claraval ang mga nadakip na sina Joel Bernardo; Ryan Granada; Marcy de Guzman; Erwin Flores; Antonio Ejano; Christopher Atienza; Joemel Calma; Wilfredo  Bonggot  Jr. na pawang mga taga- Novaliches  QC.

Ang mga suspek ay hinuli batay sa reklamo ng biktimang si Gary Viado, na nagsabing  ala-1 kahapon ng hapon  habang naka-park sa may Delta, Quezon Avenue ang kanyang  XRM Honda single motorcycle nang biglang dumating ang towing truck ng MGLCH ng Pasig City at agad na isinakay ang kanyang motorsiklo dahil daw  sa utos ni Mayor Bautista

Anya, nang sabihin ng mga suspek na dadalhin sa Pasig City ang kanyang motorsiklo, dito na siya nagduda kayat agad niyang itinawag sa  QC hall police detachment ang ginawa ng mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito..

Noong panahong iyon, habang iniimbestigahan ang mga suspek sa QC hall  police detachment, isa dito ang nagtangkang tumakas kayat nagkaroon ng habulan sa loob ng compound ng city hall dahilan para mabulabog ang mga tao dito pero nahuli rin ang suspek sa tulong ng mga security personnel.

Sinasabing modus ope­randi ng mga suspek ang umikot sa ibat ibang lugar sa QC at kapag nakapuntirya ng hahataking sasakyan ay walang habas nila itong dadalhin at saka hihingan ng malaking halaga ang vehicle owner para ma-claim ang kanilang sasakyan.

Show comments