MANILA, Philippines – Nadakip sa isinagawang manhunt operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang dalawa sa tatlong holdaper na nakapatay sa American national na kanilang nabiktima noong Enero 18, 2014.
Nakapiit ngayon sa MPD-Station 5 ang mga suspek na kinilalang sina Christopher Benitez at Jerryly Corpuz sa bisa ng warrant of arrest sa kasong robbery with homicide na inisyu ng Manila City Prosecutor.
Sa ulat ni MPD-Station 5 chief, P/Supt. Romeo Macapaz, si Benitez ay natimbog ng grupo sa pangunguna nina Sr. Insp. Fedrico Mateo at Insp. Salvador Inio Jr. sa Pasig Line, Sta. Ana, Maynila dakong alas-6:00 ng hapon nitong Marso 17 habang si Corpuz ay naaresto ng araw ding iyon dakong alas-10:00 ng gabi sa Leon Guinto St., Ermita. Nakakasa pa rin ang manhunt laban sa nakalalayang suspek na si Teddy Adisas.
Ang kaso ay kaugnay sa pagpatay sa biktimang si Robert John Karlsen, 58, ng Ridgewood, New York City noong Enero 18, 2014 alas-4:00 ng madaling-araw, sa Padre Faura St., malapit sa panulukan ng M.H. Del Pilar sa Ermita, Maynila.
Naglalakad ang biktima nang tutukan ng patalim at nagdeklara ng holdap.
Pumalag ito sa tatlong holdaper kaya inundayan ng saksak na nasalag at nasugatan siya sa palad.
Sinundan pa ng dalawang saksak sa dibdib at isa sa tiyan, at nang tumumba ay sapilitang kinuha ang wallet at mahalagang gamit. Nadala pa sa Ospital ng Maynila ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival.