MANILA, Philippines – Hindi nakatulong ang isang drum ng tubig upang mailigtas ang isang lolo na pumasok sa loob nito nang uminit sanhi ng malakas na apoy habang isang lola naman ang nalagutan ng hininga sa sunog na sumiklab sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga nasawi na si Lolo Agustin Erespe, 80, na nalapnos ang katawan at si Virginia Ytac, 62, kapwa ng Brgy. Tonsuya, ng naturang lungsod. Apat na fire volunteers rin ang nasugatan makaraang pukpukin umano ng kahoy at pagbabatuhin ng mga galit na residente na nais makialam sa pag-apula sa apoy. Binasag pa umano ng mga residente ang windshield ng trak ng tubig.
Ayon kay Fire Sr. Supt. Sergio Soriano, Jr., Malabon Fire Marshall, dakong alas-8 ng Martes ng gabi nang unang sumiklab ang apoy sa residential area sa naturang barangay buhat umano sa isang pagsabog. Agad na kumalat ang apoy sa mga kabahayan hanggang sa umakyat ang alarma sa Task Force Delta dakong alas-10:29 ng gabi.
Mabilis namang rumesponde ang mga bumbero sa lungsod at karatig na lugar ngunit nahirapan na makapasok sa lugar dahil sa makikitid na eskinita at kailangan pang dumaan sa creek.
Pansamantalang umatras ang mga bumbero sa lugar at nang matiyak na ligtas na ay muling pumasok at nilabanan ang pagkalat pa ng apoy. Tumagal ng halos walong oras ang apoy at tinatayang nasa 250 kabahayan ang natupok sa apoy at nasa P3 milyon ang halaga ng ari-arian na natupok habang nasa 500 pamilya ang naapektuhan. Pinaghahanap naman ngayon ang isang Renato Nacion na naiulat na nawawala habang agad na nagsagawa ng mopping operation ang Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa Caloocan City, nasa 50 pamilya naman ang nawalan ng tahanan nang matupok ang kanilang mga bahay sa sunog na sumiklab dakong alas-4:50 kamakalawa ng hapon sa Black Rosary Compound Creek, Brgy. 167 Llano buhat umano sa sumabog na kalan. Dakong alas-7:20 ng gabi nang magdeklara ang bumbero ng fire-out.
Inilikas naman sa Llano Elementary School ang mga apektadong pamilya habang agad na nagpadala ng tulong na pagkain at relief goods si Caloocan Mayor Oscar Malapitan sa pamamagitan ng City Social Welfare Development office.