Mister nilitson ang sarili

MANILA, Philippines – Isang 57-taong gulang na mister ang nag-suicide sa pamamagitan ng pagsunog sa kanyang sarili sa loob ng kanilang kuwarto sa Pasig City, kahapon ng umaga.

Ang biktimang  si Reynaldo Galco, ng  194 Pagasa St., Bgy. Kalawaan sa lungsod ay natagpuan sa sulok ng kanyang kuwarto na wala ng buhay dahil sa tinamong lapnos sa buong katawan  habang hawak pa ang itak.

Sa imbestigasyon ni FO2 Chester Pangilinan, dakong alas-9:15 ng umaga nang magkulong sa kuwarto ang biktima at sinilaban ang sarili.

Naging mabilis naman ang pagresponde ng mga tauhan ng Pasig City Fire District kaya hindi na kumalat ang apoy sa mga kalapit na tahanan at tanging ang biktima at kuwarto lamang nito ang nasunog.

Ayon kay Lucila Ebona, live-in partner ng biktima, limang araw ng hindi natutulog si Galco, sumisigaw at nagsasalita ng mag-isa na may humahabol umano sa kanya at huhulihin siya ng mga pulis.

Sinabi ni Ebona na kalalabas lamang ng rehabilitation ng biktima dahil sa pagkagumon nito sa paggamit ng ipinagbabawal na droga.

Ani Ebona, marahil ay epekto ng bawal na gamot kaya nagawa ng biktima na magpakamatay sa pama­magitan ng pagsunog sa kanyang sarili at pagtatangkang sunugin ang kanilang tahanan.

Gayunman, nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga arson investigators para matukoy ang tunay na dahilan ng sunog na ikinamatay ng biktima.

Show comments