MANILA, Philippines - Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation ang isang babaeng sangkot umano sa sindikato ng namemeke ng Special Allotment Release Order (SARO), kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni NBI director Virgilio Mendez ang suspek na si Christine Joy Angelica Gonzales, may mga alyas na Angela Liwanag at Angela Gonzales, residente ng Upsilon Drive, Capitol Hills, Diliman, Quezon City.
Kaagad siyang naisalang sa inquest proceedings sa QC Prosecutor’s Office sa kasong syndicated estafa at falsification of private individuals and use of falsified documents, na kahapon din ay nagpalabas na ng resolusyon ang piskalya na nagrerekomendang isampa na sa korte ang kaso na may katapat na piyansang P30-libo para sa pansamantalang paglaya.
Isinagawa ang operasyon alas-4:00 ng hapon sa isang fastfood chain sa lungsod Quezon na pinangunahan ng Anti Organized and Transnational Crime Division (AOTCD) ng NBI.
Nabatid na inireklamo mismo ng Assistant Secretary/Chief of Staff ng Department of Budget and Management (DBM) na si Clare Amador sa NBI ang kaso laban sa suspek makaraang dumulog sa kanila ang mga contractor na sina Ariel Garcia at Irene Simbulan na diumano’y nilapitan ng suspek para sa farm to market road project sa Pakil, Laguna na nagkakahalaga ng P20-milyon.
Reklamo umano ng dalawang kontraktor, nakapagbigay na sila ng P1-milyon cash advance para tiyak na makokopo ang proyekto. Pero dahil humihingi ng karagdagang P500-libo ang suspek para sa hiwalay na proyekto na may kinalaman sa medisina na nagkakahalaga ng P50-milyon, nagpasya silang iberipika ito sa DBM at natuklasang peke ang SARO na ipiniprisinta nito.