MANILA, Philippines – Epektibo sa Marso 15, ipapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 30-minute heat stroke break sa kanilang mga tauhan.
Bukod dito, sa panig ng mga traffic enforcer pagsusuutin na rin sila ng itim na short na panterno sa kanilang pantaas na uniporme habang nagmamantina ng daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila.
Nabatid na hanggang Mayo 31 ang ganitong magiging uniporme ng mga enforcer dahil na rin sa matinding init dala ng summer.
Kahapon ay pinangunahan ni MMDA Chairman Tolentino ang pagbibigay ng mga short pants sa mga enforcer.
Nabatid, na sa heat stroke break policy, hahatiin sa dalawa ang oras ng break ng mga enforcers, ang una sa pagitan ng ala-1:30 hanggang alas-2:30 ng hapon at alas-2:30 hanggang alas-3:00 naman ang susunod.
Bukod dito, mayroon ding water jug na irarasyon sa lahat ng mga enforcers upang regular ang kanilang paginom ng tubig para iwas dehydration. Ang heat stroke break ay ipapatupad din sa mga street cleaners.
Layunin pa rin ng hakbangin ng MMDA ay upang maprotektahan ang kalusugan ng mga tauhan laban sa matinding init partikular sa mga may edad na mabibilad sa gitna ng init ng araw.