MANILA, Philippines - Pinatingkad ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang pagdiriwang kahapon ng Araw ng Kababaihan sa lungsod sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programang naisalang dito.
Bago ito, sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga kababaihang dumalo sa okasyon, hiniling ni Belmonte ang pagtayo ng mga kababaihan sa sarili para umunlad ang kanilang buhay.
“Tumayo tayo sa sarili at wag umasa sa iba, itaguyod natin ang karapatan ng mga kababaihan na may paninindigan, pananampalataya at pagmamahal,” dagdag pa ni Belmonte.
Bilang panauhing pandangal sa okasyon, sinabi naman ni Bicol Rep. Lenny Robredo na hindi dapat magtiis ang mga kababaihan kung walang kakayahan na kumita para sa pamilya at umaasa lamang sa kanilang asawa. Ang kagawiang ito anya ay dapat na maputol dahil panahon na ng mga kababaihan na bumangon para sa pamilya.
Sinabi rin ni Belmonte na kailangang maipagpatuloy ng bawat kababaihan ang kanilang laban para sa pantay-pantay na pamumuhay para sa bawat pamilya at mga mahal sa buhay.
Ipinagkaloob din ni Belmonte sa hanay ng mga single mom na benepisyaryo ng ‘Tindahan ni Ate Joy’ batch 1 ang ATM BDO cards na naglalaman ng puhunan na maaaring magamit sa kanilang mapapagkakitaan at sa pamilya.
Sinabi din nito na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng lokal na pamahalaan ng bansa ay una na ang QC na magtatayo ng Micro-Small Entreprenuer Office na siyang tutulong sa mga taga-lungsod na magkaroon ng hanapbuhay.
Sa ngayon anya ay Sikap Buhay lamang mayroon sa QC hall na handang magpautang sa mga nais na magkaroon ng maliit na puhunan pero kapag naitayo na anya ang Micro-Small Entreprenuer Office ay higit na mabibigyan ng kaalaman ang mga taga-lungsod kung paano paunlarin ang kanilang kabuhayan.