MANILA, Philippines – Maaari nang matupad ang pangarap ng mga ina ng Korean Pinoy na makapag-aral ng libre ng Korean language .
Ito naman ang binigyan diin ni Manila Mayor Joseph Estrada kasabay ng pagpapasinaya ng dalawang classroom para sa mga ina ng Korean-Pinoy na iniwan ng kanilang mga asawa.
Ayon kay Estrada, malaking oportunidad at tulong sa mga kababaihan ang pagbubukas ng six-month night classes sa Unibersidad de Manila ng GKL Foundation at Help Kopino Care Philippines Inc. (HKCPI).
Sinabi naman ni UDM President Dr. Benjamin Tayabas, ang dalawang classroom ay may tig -32 laptop na magagamit ng mga ina bukod pa sa mga modules para sa tour guide sessions na makatulong sa kanila upang makakuha ng magandang trabaho.
Malaki ang pasasalamat ni Tayabas sa mga oportunidad na tulad nito dahil mas pinalalakas nito ang loob at pagkatao ng mga babaeng iniwan ng kanilang Koreanong asawa.
Paliwanag naman ni Dr. Primitivo Chua, miyembro ng UDM Board of Regents at HKCPI President, naniniwala siyang ito na ang panahon upang maipakita sa kanilang mga asawang Koreano na maitataguyod nila ang kanilang mga anak sa kabila ng kabiguan ng mga ito na suportahan ang kanilang mga anak.
“This school is for free…Our donors are Koreans. Those who committed the mistakes are also Koreans so they (donors) are trying to help,” ani Chua.