MANILA, Philippines – Nababalot ngayon ng takot ang mga magulang ng Morning Breeze Elementary School sa Pilar St., Morning Breeze Subdivision, sa Caloocan City dahil sa pagkamatay umano ng dalawang bata na hinihinalang dahil sa kinatatakutang sakit na meningococcemia.
Sa panayam ng PSN sa isang source, hindi na umano pinapapasok ng ilang mga magulang ang kanilang mga anak matapos na unang masawi ang isang grade 1 na babaeng pupil nitong nakaraang Miyerkules sa Manila Central University Hospital nang apuyin ng matinding lagnat at magsusuka umano.
Nabatid na nilagnat ang bata noong Lunes sa loob ng paaralan at hindi pinapasok nitong Martes. Muling pumasok nitong Miyerkules ang paslit ngunit inapoy ng lagnat sa paaralan at nawalan ng malay kaya isinugod sa pagamutan.
Nitong Biyernes, isang bata pa rin umano ang nasawi na nag-aaral sa naturang paaralan rin dahil sa matinding lagnat.
Nangangamba ngayon ang mga magulang ng mga paslit makaraang kumalat ang bali-balita sa Morning Breeze at Bagong Barrio sa Caloocan na namatay ang mga bata dahil sa meningo.
May ilang hindi kumpirmadong ulat rin na hinihinalang nasawi ang unang paslit dahil sa Mers-COV.
May kuwento kasing umiikot na kasama umano ng ama ang paslit nang may sinundo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at posibleng nakuha ang naturang sakit.
Itinanggi naman ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan ang balita na Meningo, Mers-COV, o Ebola ang ikinamatay ng paslit.
Sinabi nito na base sa medical record ng pasyente, pneumonia ang ikinasawi ng biktima na napabilis lang dahil sa pagkabigla ng katawan sa tinanggap na antibiotic.
Iniutos nito na bigyan na rin ng mga gamot ang mga mag-aaral at guro habang pinausukan na rin ng kemikal ang buong paaralan.
Nagpakilos na rin ng “contact tracing team” ang city hall para mabatid kung sino ang mga nakasalamuha ng biktima at malaman kung may sakit rin ang mga ito.