MANILA, Philippines - Dalawang beses na nagka-aberya ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga na ikinainis ng libu-libong pasahero matapos na sila ay pababain ng sinasakyan nilang tren.
Ayon kay Roman Buenafe, general manager ng MRT-3, na-delay ng mahigit isang oras ang unang biyahe ng MRT na dapat sana ay 4:30 ng umaga pero nagbukas ng alas-5:30 ng umaga makaraang may makitang nakabalandrang ‘unimog’ (trolley) sa gitna ng riles.
Sinabi ni Buenafe, nagkaroon ng pagkukumpuni sa riles nitong Miyerkules ng gabi ang Globe APT service provider sa pagitan ng Guadalupe at Buendia station at hindi kaagad naialis ang ‘unimog’ na sinasakyan ng mga service personnel kapag sila ay dumadaan sa riles.
Dakong alas-8:00 ng umaga nang muling nagka-aberya sa north-bound line ng Ortigas station makaraang pababain ang mga pasahero nang makitang may umusok sa tren.
Idineretso na lamang sa North Avenue Depo ang nagka-problemang tren at muling nagbalik sa normal ang operasyon ng alas-8:15 ng umaga.
Inamin din ni Buenafe na dahil sa ‘poor condition’ ng kanilang mga riles ay 40 kph lamang ang takbo ng kanilang mga tren sa halip na 60 kph.