MANILA, Philippines - Dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar, kahapon ng umaga sa Smokey Mountain sa Road 10 Vitas Tondo.
Hinihinala ng pulisya na balak pang itago ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang pagkakakilanlan ng isa sa biktima na inilarawan na nasa edad 25 hanggang 35 anyos, kalbo at may tali ng kawad ng kuryente sa leeg na pinaniniwalaang sinakal muna bago sinunog nang buhay.
Sa imbestigasyong isinagawa ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, nadiskubre ang bangkay ng biktima bandang alas-6:40 ng umaga sa Smokey Mountain sa Road 10, Vitas,Tondo.
Samantala, isang lalaki rin ang natagpuang lumutang sa ilog Pasig, sa likuran ng Post Office sakop ng Ermita Manila, kahapon.
Ayon kay PO3 Dennis Turla, may hawak ng kaso may duck tape sa ulo, mukha, kamay at paa ang biktima.
Tadtad din ng saksak ang harapang bahagi ng katawan ng biktima na nasa edad 30 hanggang 35, balingkinitan at may tattoo na ‘Sputnik’ at ‘Richard’. (Doris Franche-Borja)