Napagkamalang manununog, utas sa kuyog

Kinuyog at napatay ang isang trabahador na napagkamalang arsonist sa  Parola compound sa  Tondo, Maynila. (Kuha ni Bernardo Batuigas)

MANILA, Philippines - Sa pag-aakalang  manununog,  isang  lalaki  ang  kinuyog hanggang sa mapatay  kahapon ng madaling-araw  ng mga residente ng  Parola Compound sa Tondo, Maynila.

Ang biktima na si Imay Amador, 45, ay kinalala mismo ng kanyang amo na si Irene Verde.

Aniya, isang buwan pa lamang nagtatrabaho sa kanya bilang  tagasalin ng mga saging na saba mula sa mga container van papunta sa mga trak ng prutas ang nasawi.

Nauna rito, nagkasundo ang mga residente na magpatrulya sa Gate 14 dahil sa magkasunod na sunog sa Parola nitong Martes.

Kinuyog ng nasa 50 hanggang 80 residente ang biktima nang abutan ito sa isang container van sa stripping area ng Manila North Harbor. Maaari umanong hindi ito nakilala ng mga residenteng bumugbog sa kanya.

Alas-2 ng  madaling-araw  kahapon nang magkaroon ng  komosyon at habulin ng mga nagrorondang residente si Amador na  napagkamalang arsonista dahil sa bitbit na boteng inakalang may lamang gasolina.

Sinasabing isang kasamahan nito ang tinugis din ng mga residente pero nakapagtago lang.

Natagpuang may palo sa ulo, may saksak sa leeg at nakasubsob pa sa bukas na container van ang biktima.

Tadtad din ito ng tama ng bala sa dibdib  habang nagkalat ang pitong basyo ng bala sa paligid.

Nahihirapan naman ang awtoridad na tukuyin ang mga dapat papanagutin sa krimen dahil sa dami ng mga sangkot dito. (Doris Franche-Borja)

Show comments