MANILA, Philippines – Sa unang araw ng Fire Prevention Month kahapon, nakapagtala ang Quezon City Fire Station pagkasawi ng isang 50 anyos na lalaki kung saan 26 na pamilya ang nawalan ng tirahan, sa sunog na naganap sa may Barangay San Roque dito, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, City Fire Marshal, ang sunog ay nagsimula sa ikalawang palapag na residential na pag-aari ng isang Soledad Fajardo na matatagpuan sa may 7-G 1st Camarilla St., Bgy. San Roque, ganap na alas 3:40 ng madaling-araw.
Dahil gawa lamang ito sa light materials ay madali itong nagliyab hanggang tuluyang lumaki ang apoy at kumapit sa katabi pang mga bahay.
Kinilala naman ni Fernandez ang nasawi na si Roberto Sandoval, na nakita sa loob ng kanyang barong-barong.
Umabot naman sa ikalawang alarma ang sunog, bago tuluyang ideklara itong fire out ganap na alas 5:12 ng umaga.
Tinatayang aabot sa P100,000 ang halaga ng ari-ariang napinsala at may 13 bahay ang naapektuhan sa nasabing sunog.
Iniimbestigahan naman ng BFP ang ulat na sinadya ang sunog dahil sa pagsindi umano ng isang babae ng kutson ng kanilang kama.