MANILA, Philippines — Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi na muna itutuloy ang rehabilitasyon ng Ayala Bridge na nakatakda na sanang simulan sa unang linggo ng Marso.
Nabatid kay MMDA Chairman Francis Tolentino, kailangan pa nilang pag-usapan ang traffic management preparations sa pagitan ng pamahalaang lokal ng Maynila bago ituloy ang bridge repair.
Ayon kay Tolentino, ang rehabilitasyon aniya ay nangangailangan ng total closure ng tulay at kailangang maibsan ang magiging epekto nito sa riding public.
Kailangan pa aniyang magprisinta ng kanilang traffic management plan ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Gayundin ang pakikipagpulong sa mga stakeholders na inaasahang maapektuhan nang pagkukumpuni ng naturang tulay.
Orihinal na itinakda ang bridge repair sa darating na Marso 2 o 4 ng taong kasalukuyan at tatagal ng may tatlong buwan.
Mungkahi ni Tolentino na ituloy na lamang ang repairs pagtuntong ng summer na kung saan naka-break ang mga eskuwelahan.
Ang mga pangunahing kalsada na nasa bisinidad ng Ayala Bridge na posibleng maapektuhan ng naturang proyekto ay ang Quezon Blvd., United Nations Avenue, Taft at Quirino, Legarda, Magsaysay, Recto hanggang Roxas Blvd.