Riles ng MRT-3, inaayos na

MANILA, Philippines – Unti-unti nang inaayos o kinukumpuni ang ilang bahagi ng riles ng Metro Rail Transit, na isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng aberya sa biyahe ng mga tren sa MRT-3.

Ayon kay MRT-3 spokesman Hernando Cabrera, dakong ala-1:10 ng madaling-araw nang isagawa ang pagkukumpuni sa riles na matatagpuan sa pagitan ng Taft at Magallanes stations­. Ani Cabrera, kabilang sa isinagawa ng mga crew ay section rail replacement kung saan ay winelding ang mga mahinang bahagi ng riles at pinalitan.

Sinabi ni Cabrera, naging sunud-sunod ang aberya sa MRT-3 dahil sa mahina ng riles, bukod pa ang kakulangan ng power supply at biglaang pagpreno na ikinairita ng mga pasahero at ang iba ay nasaktan pa.

Plano na ng MRT-3 na paigsiin ang operasyon ng MRT-3 tuwing weekend upang bigyang-daan ang pagkukumpuni sa riles ngunit hinihintay pa nila ang pagdating ng ilang gamit na magmumula pa sa ibang bansa.

Ang MRT-3 ang nag-uugnay sa North Avenue sa Quezon City at Taft Avenue sa Pasay City via Epifanio delos Santos Avenue.

Show comments