MANILA, Philippines – Butas ang bungo ng isang 17-anyos na binatilyo makaraang barilin ng riding-in-tandem na suspect sa isang eskinita sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni PO2 George Caculba ng Quezon City Police District, dahil menor-de-edad, ang biktima ay itinago sa pangalang Berto, out-of-school youth at residente sa Brgy. Fairview sa lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Republic Avenue, kanto ng Basilio St., Brgy. Fairview, ganap na alas-7:30 ng umaga.
Ayon kay Caculba, papalabas ng nasabing eskinita ang naturang biktima nang biglang sumulpot ang mga suspect at barilin ito saka mabilis na tumakas.
Samantala, sabi ni Exel Esguerra, deputy ng Barangay Police Safety Officer, base sa kanilang impormasyon, droga ang kanilang nakikitang ugat sa pagpatay sa binatilyo, dahil madalas na umanong sangkot ang biktima sa ganitong kaso. Dati na rin anyang tinutugaygayan ng pulis ang biktima dahil sa dati ay gumagamit lang ng ilegal na droga pero ngayon ay nasangkot na rin sa pagbebenta.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente at sa tunay na motibo ng nasabing krimen.