MANILA, Philippines - Mas paiigtingin pa ng Manila City hall- Manila Action and Special Assignment(MASA) ang seguridad sa city hall laban sa mga fixer at indibiduwal na gumagawa ng illegal.
Ito naman ang nabatid mula kay MASA chief, Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr. matapos na isailalim sa kanya ang kontrol sa seguridad sa city hall.
Papalitan ng MASA ang kontrol sa mga nagbabantay na tauhan ng City Security Force (CSF) kung saan sinasabi umanong maraming nakakalusot na indibiduwal na nagsasagawa ng modus operandi.
Ayon kay Irinco, hindi naman matatanggal ang lahat ng mga tauhan ng CSF. Kanila munang sasalain ang mga nakatalaga sa city hall upang malaman kung sino ang dapat na i-retain.
Giit ni Irinco, priyoridad nilang mabigyan ng proteksiyon ang bawat taxpayer na nagsasagawa ng kanilang transaksiyon at maiiwas sa panloloko ng mga fixers.
Inamin ni Irinco na maluwag ang seguridad sa city hall kung saan patuloy na nakakapagsagawa ng illegal operation ang mga fixers.
Hindi umano tama na maloko pa ang mga negosyanteng nagbabayad ng kanilang buwis na nakatutulong naman sa pondo ng city government.