Dinukot na beybi sa ospital, nabawi na

MANILA, Philippines – Nabawi na ang isang bagong silang na sanggol na lalaki matapos madakip ng pulisya ang babaeng dumukot dito, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Nakakulong ngayon sa Taguig City Police detention cell ang suspek na si Ma. Rosman Mañalac, ng Brgy. Bagong Bayan ng naturang lungsod.

Nasagip naman ng pulisya ang biktima at bagong panganak na si Francis John.

Ayon  kay Senior Supt. Arthus Felix Asis, hepe ng Taguig City Police, nadakip ang suspek alas-9:20 kamakalawa ng gabi sa Aguahan Dos, Brgy. Bagumbayan ng naturang siyudad sa isinagawa nilang follow-up operation.

Nabatid na nagtungo noong Huwebes sa Taguig City Police ang ina ng sanggol na si Cherry Gold Bacailo, isang OFW upang ireklamo ang ginawang pagdukot sa bagong silang niyang anak noong Pebrero 12 sa Taguig-Pateros District Hospital.

Nagpakilalang taga-social welfare office ang suspect na kumuha sa kanyang anak.

Matapos madakip si Mañalac ay nabawi rin dito ang kinuhang beybi.

 

Show comments