Sunog sa Makati: 3 natusta

File photo

MANILA, Philippines - Tatlo katao ang na­tusta nang buhay matapos masunog ang tinutuluyan nilang isang lumang transient house sa Makati City, kahapon ng madaling-araw.

Nabatid na sunog na sunog ang mga biktima, isa sa mga ito ay may nakatakdang kidney operation, samantalang ang isa naman ay kidney donor, na kinilala lamang sa pa­ngalang Elvie. Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ang mga pagkakakilanlan sa mga ito.

Sa kabila na sinasabi ng may-ari ng transient house na si Isabelita Tiangco, 71, na babae ang mga biktima, ayon sa mga awto­ridad, isasailalim pa rin sa autop­sy ang mga ito upang makumpirma dahil may nagsabi naman na isang babae at dalawang lalaki ang mga nasawi.

Nabatid na pawang taga-Baguio City ang mga biktima na lumuwas lang sa Maynila dahil nga sa nakatakdang kidney operation.

Napag-alaman na may tatlo pang nangungupahan na nasugatan at  isinugod sa ospital. Wala namang ibang bahay na nadamay sa sunog.

Ayon sa inisyal na pagsi­siyasat nina PO3 Ronaldo Villaranda, ng Homicide Section, Station Investigation and Detective Ma­nagement Branch (SIDMB), Makati City Police at Fire  Arson Investigator,  Senior Fire Officer 1 Reynaldo Gonzales, naganap ang in­sidente alas-2:17 ng madaling-araw sa lumang  transient house na may da­lawang palapag na ma­­ta­tagpuan sa 7562 panulukan ng Santillan at Dela Rosa Sts., Brgy. Pio Del Pilar ng naturang lungsod, na pag-aari  ni Tiangco.

Nabatid, na biglang sumiklab ang apoy sa ika­lawang palapag ng na­turang transient house kung saan umookupa ang mga biktima.

Hinihinalang nag-overheat na lumang electric fan ang pinagmulan ng sunog.

Natagpuan ang mga sunog na bangkay ng mga biktima sa isinagawang clearing operation ng Ma­kati City Central Fire Department.

 Alas-3:37 kahapon ng madaling-araw, idinek­larang fire-out ang in­sidente ng mga kagawad ng Makati City Central Fire Department­.

Show comments