MANILA, Philippines - Isang 2-anyos na batang babae ang natusta, habang malubha ring nasugatan ang kanyang 2-buwan gulang na kapatid sa sunog na naganap sa bisperas ng Chinese New Year sa Malabon City.
Nakilala ang nasawi na si Jenny Lopez, habang sugatan naman ang kapatid nitong si Jericho.
Ayon sa ulat ni Senior Fire Officer 4 Albino Torres, nagsimula ang sunog sa mismong bahay ng mga Lopez sa Dulong Hernandez, Brgy. Catmon sa Malabon dakong alas-8:21 ng gabi.
Binanggit pa sa ulat na si Jericho ay nagtamo ng second degree burns, habang si Jenny naman ay nadiskubreng natatabunan ng mga debris sa loob ng kanilang bahay matapos ang isinagawang mopping up operations.
Tinatayang nasa 10 kabahayan na gawa sa light materials ang nadamay sa dalawang oras na sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Sinabi pa ni Torres na ang apoy ay nagsimula sa ikalawang palapag ng bahay ng mga biktima. Si Jenny ay sinasabing mag-isang natutulog sa isang kuwarto sa ground floor.
Samantala, isa rin ang isinugod sa pagamutan makaraang ma-suffocate nang tupukin ng apoy ang may 400 kabahayan sa Pasay City kahapon ng umaga.
Nilalapatan ngayon sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Wilma Martin, ng Barangay 130 Zone 13 ng nasabing lungsod.
Base sa report ni Chief Inspector Douglas Guiab, ng Pasay City Fire Marshall, alas-11:00 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ni Martin sa panulukan ng Virginia Extension at M. Dela Cruz St., Barangay 130, Zone 13 ng nasabing lungsod.
Nabatid, na isang nakasinding kandila ang naging sanhi ng sunog matapos itong tumumba hanggang sa mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na gawa lamang sa light material.
Tumagal ng dalawang oras ang sunog na umabot sa Task Force Bravo bago ito tuluyang naapula bandang ala-1:30 ng hapon. Ayon kay Guiab, mabilis ang paglaki ng apoy dahil nahirapang pumasok ang mga fire truck sa mga kalye dahil sa masikip ang lugar.